Boto Mo ay Mahalaga, Huwag Sayangin

Sa aking mga kababayan,

 

Pinapa-alalahanan ko ang lahat na unang araw po bukas, ika-10 ng Abril 2010, ng Overseas Absentee Voting para sa Halalan 2010 at mananatiling bukas ang Pasuguan araw-araw (pati Biyernes at Sabado) mula alas 9 ng umaga hanggang alas 5 ng hapon upang makaboto ang lahat ng rehistradong botante dito sa Jordan. Binibigyan ang lahat ng botanteng Pilipino sa iba't ibang bansa ng 30 araw upang maka-boto bago ganapin ang mismong halalan sa Pilipinas sa ika-10 ng Mayo 2010.

Ang boto ng bawat isa sa atin ay mahalaga dahil ito ang nagbibigay sa atin ng karapatan at pagkakataon na pumili ng kung sino ang karapat-dapat mamuno sa ating bansa sa susunod na anim na taon. Ituring natin ang ating karapatang makilahok sa halalan na ito bilang ating makabayang tungkulin at sikapin nating maging mabusisi sa pagpili sa mga kandidatong nararapat na magkamit ng ating boto.

Tandaan na sa halalang ito ay maari tayong bumoto para sa mga sumusunod na posisyon:

  • Pangulo (o Presidente)
  • Pangalawang Pangulo (o Bise Presidente)
  • Labing dalawang (12) Senador at
  • Isang (1) Party-List

Sikaping isulat ng malinaw sa inyong balota ang opisyal na pangalan ng iyong napiling kandidato upang hindi masayang ang inyong boto. Maari ninyong masuri ang opisyal na talaan ng mga kandidato sa bawat posisyon sa website ng COMELEC dito.

Para sa inyong kaalaman rin, hindi na kinakailangan ng Voter's ID upang makaboto at sadyang hindi na nagpagawa nito ang COMELEC dahil ang Certified List of Overseas Absentee Voters ay may kasama nang larawan ng bawat isang rehistradong botante.

Ang katapusang araw ng Overseas Absentee Voting ay sa ika-10 ng Mayo 2010 (Lunes) at magsasara ang botohan sa ganap na alas 6 ng gabi (oras sa Pilipinas).

Nawa'y maging makabuluhan at mapayapa ang pambansang halalan ng 2010 at tiyakin natin na huwag masayang ang ating mga boto. Gampanan natin ang ating karapatan para sa ikauunlad ng ating bayan!

 

(Nilagdaan)

 

 

JULIUS D. TORRES

Ambassador

Write a comment

Comments: 0